Nananatiling one-lane passable ang Nueva Vizcaya-Pangasinan road na nasasakupan ng barangay Baracbac, Santa Fe, Nueva Vizcaya matapos ang banggaan ng ten wheeler truck at close van.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Geriyell Frogoso, Chief of Police ng Santa Fe Police Station, sinabi niya na bago ang insidente ay nagkamali ng dinaanan ang tsuper ng truck, sa halip na dumiretso ito sa national highway ay pumasok ito sa Nueva Vizcaya-Pangasinan road kaya naman ipinarada niya muna ang sasakyan sa gilid ng daan habang nag-aantay ng saklolo.
Hindi kasi umano maaaring dumaan ang malalaking mga sasakyan sa naturang daanan dahil mayroong bahagi ng daan ang one-lane lamang.
Habang nakaparada ang trailer truck ay mayroong mini dumptruck na nag-overtake sa truck subalit hindi nito napansin ang kasalubong na close van sa kabilang linya.
Dahil sa nagkabulagaan ang dalawang sasakyan ay nawalan ng kontrol ang close van at bumangga ito sa nakaparadang trailer truck.
Kasalukuyan naman nang nagtutulungan ang mga awtoridad upang maialis sa lugar ang mga sangkot na sasakyan at madaanan muli ang kabuuang bahagi ng kalsada.
Patuloy naman ang pagbibigay paalala ng mga kinauukulan sa publiko at paglalagay ng mga signages sa kalsada upang matiyak na hindi na maulit ang mga kahalintulad na insidente.











