Narekober ng pulisya ang bangkay ng nawawalang negosyanteng si Tess Mamac sa loob ng kanilang family compound nitong Lunes ng gabi, limang araw matapos siyang iulat na nawawala noong Pebrero 12.
Ayon sa Police Station 4 at forensic unit, nahukay ang labi malapit sa septic tank sa compound at kinilala ng mga anak ni Mamac. Dinala ang katawan sa punerarya at sasailalim sa autopsy upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay.
Inatasan ni Angeles City Mayor Jon Lazatin ang pulisya na paigtingin ang operasyon laban sa isang empleyado at matagal nang driver ng pamilya na kilala bilang “Doc,” na kasalukuyang nawawala at itinuturing na pangunahing suspek.
Ayon kay Angeles police chief PCol. Joselito Villarosa, Jr., nakita sa CCTV na umalis si Mamac ng kanilang bahay noong Huwebes ng gabi bandang 7:20 p.m., at humigit-kumulang 8:40 p.m., umalis na ang kanilang sasakyan na Innova na minamaneho ng driver. Natagpuan ang Innova noong Sabado ng gabi sa plaza sa bayan ng Magalang, Pampanga.
Sinabi rin ng hepe ng pulisya na nagkaroon umano ng pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng suspek sa mga nakaraang araw, na isa sa posibleng motibo ng krimen.
Bago matuklasan ang labi ni Mamac, nag-alok si Pampanga First District Rep. Carmelo Lazatin ng P200,000 pabuya para sa impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng negosyante. Tiniyak ng pulisya ang patuloy na imbestigasyon upang mapanagot ang may kinalaman sa insidente.





