Binatikos ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan si Vice President Sara Duterte matapos nitong hilingin sa Senado na i-dismiss ang Articles of Impeachment laban sa kanya.
Ayon kina Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, patunay ito na “allergic” at takot ang Bise Presidente na harapin ang proseso ng pananagutan at sagutin ng ebidensya ang mga alegasyon.
Giit ni Cendaña, kabaligtaran ang ginagawa ng kampo ni Duterte sa nauna nitong pahayag na sa Senado sila lalatag ng sagot.
Sinabihan naman ni De Lima ang Bise Presidente na huwag takasan ang paglilitis at huwag ipagkait sa publiko ang katotohanan.
Dagdag pa ng dating DOJ Secretary, ang hirit na agarang pagbasura sa kaso nang walang pagdinig ay tahasang pagbabalewala sa itinatakda ng Konstitusyon na dumaan muna sa paglilitis ang impeachment case.











