
CAUAYAN CITY – Nanindigan ang punong barangay ng Barangay na malinis at walang halong anomalya ang naging pamamahagi nila ng Social Amelioration Program (SAP) ng DSWD sa kanilang mga ka-barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Renato Aquino sinabi niya na wala siyang kaalam alam sa nasabing kaso.
Aniya, may isang babae sa kanilang barangay na mula sa Tarlac na nagpapapirma ng ilang dokumento sa mga Senior Citizen at sinasabing kapag pumirma sila ay muling makakatanggap ng ayuda mula sa SAP.
Hindi lamang aniya ito ang unang beses na ginawa ito ng nasabing babae.
Sa unang pagkakataon aniya ay may apat na senior citizen mula sa kaniyang barangay ang pinapirma rin at ginamit para mag text sa 8888 citizens complaint hotline at sinabing hinahati hati nilang mga opisyal ng barangay ang pamamahagi ng ayuda sa mga senior Citizen na ipinaliwanag ni CSWD officer Lolita Menor.
Batay sa pagpapaliwanag ng CSWDO walang nahati hating ayuda ng mga senior Citizen dahil hindi naman sila tumanggap ng ayuda.
Pinabulaanan rin aniya ng nasabing mga nagrereklamo na may kinalaman sila sa pagsasampa ng reklamo.
Ayon pa kay Kapitan Aquino naimbitahan na rin sa himpilan ng pulisya ang nasabing mga nagreklamo at inaming hindi nila alam na nagsampa sila ng kaso dahil pumirama lamang umano sila dahil sa pag-aakalang makukuha nila ang kanilang ayuda sa SAP.
Giit niya na matagal nang suliranin sa kanilang barangay si Ginang Editha Pascua Mauricio dahil hindi ito ang unang pagkakataong gumamit siya ng mga indibiduwal sa pagsasampa ng reklamo laban sa kanila.
Maliban dito malinaw aniya sa panuntunan ng DSWD na ang barangay ay nagsisislbing gabay lamang ng DSWD sa pagproroseso ng SAP sa kanilang barangay.
Samantala dahil sa kaliwat kanang alegasiyong pinalalabas ni Ginang Pascua, napagdesisiyunan ng Pamahalaang Lokal ng Nagacanan Cauayan city na maghain ng kaso laban sa kaniya dahil sa abalang naidulot niya sa mga opisyal ng barangay sa pamamagitan ng paglalabas ng mga reklamo at alegasiyong walang katotothanan.
Sinikap naman ng himpilan ng Bombo Radyo Cauayan na puntahan at makunan ng panig si Ginang Editha Pascua Mauricio subalit wala ito sa kanilang bahay at wala ring maaaring magbigay ng pahayag para sa kaniyang panig.










