
CAUAYAN CITY – Dinakip ang isang Barangay Tanod sa Macate, Bambang, Nueva Vizcaya matapos na masamsaman ng baril at bala sa pagsisilbi ng search warrant sa kanyang bahay.
Ang pinaghihinalaan ay si Dante Yadao, 38-anyos, may asawa, Brgy. Tanod/Laborer at residente ng nasabing lugar.
Isinilbi ng pinagsanib na puwersa ng Nueva Vizcaya Mobile Force Company, Nueva Vizcaya Provincial Intelligence Branch at Bambang Police Station ang Search Warrant na ipinalabas ni Hukom Paul Atolba ng RTC Branch 30-Bayombong sa bahay ng suspek.
Nakuha sa bahay ni Yadao ang isang piraso ng Airgun Riffle, Baby Cup Oil na naglalaman ng 12 piraso ng Airgun Riffle Bullet at 6 na piraso ng Calibre 38 revolver.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Mervin Beadoy ng Bambang Police Station, sinilbihan ng Search Warrant ang akusado dahil umano sa pagiging siga sa kanilang lugar at pagpapakita ng mga baril bilang panakot.
Kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang kakaharapin ng suspek na nasa kostodiya na ng Bambang Police Station.










