--Ads--

Nasawi ang isang lalaki matapos itong pagtatagain sa Barangay San Antonio, Cauayan City, pasado alas-kwatro ng hapon ngayong araw, Pebrero 3, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay alyas “John,” magkakasama silang kumakain nang bigla na lamang umanong tagain ng suspek sa leeg ang biktima. Hindi raw nila inaasahan ang pangyayari dahil magkakaibigan umano ang biktima at suspek.

Sa salaysay ng ilang residente sa lugar, wala naman umanong nakakaalam ng anumang alitan sa pagitan ng dalawa. Sa katunayan, ang biktima ay isang barangay tanod, habang ang suspek naman ay kilala umanong tahimik at hindi palainom.

Kwento pa ni alyas “John,” posibleng napikon ang suspek matapos biruin ng biktima tungkol sa umano’y pang-aagaw nito ng asawa. Matapos umano ang ilang subo ng pagkain, hindi nila namalayan na kumuha na pala ng itak ang suspek sa loob ng bahay ng kaibigan ng biktima, saka nito isinagawa ang krimen.

--Ads--

Pitong taga umano ang tinamo ng biktima. Ayon sa mga kasama nito, wala na itong buhay bago pa man dumating ang rescue at ambulansya sa lugar. Sinubukan umano nilang awatin ang suspek, ngunit sila’y pinagbantaan na madadamay rin kung lalapit.

Nabatid din na bago mangyari ang insidente, nakainom umano ng dalawang bote ng alak ang biktima, at sinundan pa ito ng pagbibiro na siyang tinitingnang posibleng naging mitsa ng karumal-dumal na krimen.

Sa kasalukuyan, patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad sa suspek. Nababalot naman ng takot ang mga residente ng Barangay San Antonio sa pangambang maaari itong bumalik. Mayroon nang mga pulis na nakaantabay sa lugar habang patuloy na isinasagawa ang manhunt operation.