Nagsampa ang National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong qualified human trafficking sa Department of Justice (DOJ) laban kina Batangas Representative Leandro Leviste, dating Negros Oriental Representative Jacinto “Jing” Paras, at limang iba pa kaugnay ng umano’y “honey trap” na plano laban kay Executive Secretary Ralph Recto.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, kumpleto na ang mga ebidensya at kalakip na dokumento kaya isinampa na nila ang kaso laban sa pitong indibidwal. Ang qualified human trafficking ay isang kasong hindi maaaring piyansahan.
Bukod kina Leviste at Paras, kabilang din sa mga kinasuhan ang talent manager na si Alias Ken at apat na abogado mula sa Rondain and Mendiola Law Firm na umano’y inatasang gumawa ng mga pekeng salaysay laban kay Recto.
Ang apat na abogado ay sina Ruy Rondain, Orlando Mendiola, Patrick Criaga at Josemilio Manuel Apostol.
Bandang alas-3 ng hapon nitong Biyernes nang pormal na ihain ng NBI-National Capital Region ang mga reklamo sa DOJ headquarters sa Ermita, Maynila.
Sinabi rin ni Matibag na pinag-aaralan ng NBI ang paghahain ng ethics complaint laban kay Leviste sa Kamara at disbarment case laban sa apat na abogado sa susunod na linggo.
Sa isang Facebook post, tinuligsa ni Leviste ang NBI at sinabing ang letrang “I” sa NBI ay nangangahulugang “Imbento,” at inakusahan ang ahensya ng paggawa ng mga gawa-gawang alegasyon.
Samantala, sinabi ni Paras na handa siyang harapin ang mga reklamo dahil aniya ay pawang gawa-gawa lamang ang mga ito.
Nagsimula ang imbestigasyon matapos maaresto si Alias Ken noong Hulyo 28 dahil sa hiwalay na kasong human trafficking.
Ayon kay Ken, nakipagpulong umano siya kina Paras at sa mga abogado noong Hulyo upang pagplanuhan ang isang “character assassination” laban kay Recto kung saan apat na babaeng artista ang hihikayating maglabas ng mga gawa-gawang pahayag na umano’y pinagamit sila ng ilegal na droga at pinilit makipagtalik ng opisyal.
Iginiit din ni Ken na si Leviste umano ang nagpondo sa naturang operasyon.











