Muling sasampahan ng kaso ang Brgy. Kapitan na namaril ng nakainuman sa Brgy. Sta Isabel Sur, Ilagan City, Isabela.
Tuluyan nang nasawi ang biktimang si Reynaldo Terrenal, residente ng Sta. Isabel Sur habang ang suspek na si Joseph Uy Jr, Punong Barangay ng nabanggit na lugar ay nakapagpiyansa sa kasong Frustrated Murder bago ito bawian ng buhay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Noralyn Andal. Information Officer ng City of Ilagan Police Station sinabi niya na nakapagpiyansa ang suspek ng halagang P200,000 sa kasong Frustrated Murder ngunit kalaunan ay nasawi ang biktima.
Dahil dito ay sasampahan ng kasong murder ang suspek sa pamamagitan ng regular filing.
Ayon kay PCpt. Andal inihahanda na ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek na una nang nakapagpiyansa at nakalaya.
Batay sa mga naunang ulat, nag-iinuman ang suspek at ang biktima kasama ang dalawa pang lalaki at habang nasa kalagitnaan umano sila ng inuman ay nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at ang biktima dahilan upang mairita ang suspek at umalis sa inuman.
Pagkalipas ng ilang sandali ay bumalik ang suspek na mayroong dalang long rifle at bigla na lamang binaril ang biktima sa ulo ng isang beses at dali-daling tumakas.