CAUAYAN CITY – Isa ang patay, tatlo ang nasugatan sa banggaan kahapon ng dalawang sasakyan sa pambansang lansangan sa Distct 3, San Manuel, Isabela.
Patay na nang idating sa ospital ang tsuper ng Suzuki Dzire na si John Carlo Frondarina, 22 anyos, binata at residente ng Sandiat West, San Manuel, Isabela dahil sa mga tinamong malubhang sugat.
Ang tsuper ng nakabanggaang Toyota Innova na si Francisco Angeles, 58 anyos, residente ng Nuesa, Roxas, Isabela ay nagtamo rin ng mga sugat sa katawan maging ang mga sakay na sina Anabelle de Chavez, 51 anyos, LGU employee at Rosie Angeles, 79 anyos, biyuda, kapwa residente rin ng Nuesa, Roxas, Isabela.
Lumabas sa imbestigasyon ng San Manuel Police Station na binabagtas ng kotse ang national highway patungong hilagang direksyon nang biglang lumihis patungo sa opposite lane na nagresulta ng banggaan ng dalawang sasakyan.
Nagtamo ng malubhang sugat si Frondarina na agad dinala sa ospital subalit idineklang dead on arrival ng attending physician.
Ang mga nasugatan na sakay ng Innova ay ginagamot sa ospital.