Dumating na sa City Agriculture Office ang mga binhing ipapamahagi sa mga magsasakang miyembro ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA sa lungsod ng Cauayan.
Ayon sa opisina, wala pa sa kalahati ng kabuoang bilang ng mga binhi ang dumating sa kanilang bodega.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, ang City Agriculturist, sinabi niya na nasa 6,000 hectares ang allocation na hybrid rice seeds ngunit 2,400 palang ang naiideliver sa kanilang opisina.
Aniya, tuloy tuloy ang follow up na ginagawa ng opisina sa DA region 2 upang malaman kung kailan idedeliver ng mga supplier ang natitirang mga binhi.
Umaasa naman ang agriculturist na aabot ang mga ito pagkatapos ng eleksyon kung kailan magsisimula ang mass distribution ng mga binhi.
Samantala, case to case basis ang ginagawang inisyal na pagbibigay ng mga binhi ng opisina sa mga magsasaka ngayon.
Mayroon kasing nakahanda na ang taniman at nangangailangan na ng binhi kaya binibigyan na ito ng opisina.
Ngunit, hindi pa sila nagsasagawa ng minsanang distribusyon upang maiwasan na magamit ito sa pangangampanya.
Ayon kay Engr. Alonzo, bagaman may exemption sila mula sa Comelec, minabuti ng kanilang opisina na huwag munang mamahagi sa maramihan.
Ito aniya ay base rin sa suwestiyon ng kasalukuyang namumuno sa lungsod upang maiwasan ang pamumulitika.
Nakatakdang magsimula sa May 14 ang sabayang distribusyon ng mga binhi sa mga scheduled barangay dito sa Lungsod ng Cauayan.