--Ads--

Tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Cauayan City na nananatiling manageable ang sitwasyon sa kanilang pasilidad sa kabila ng matinding init ng panahon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay JSINSP. Isagani Gayap, Deputy Warden ng BJMP Cauayan City, sinabi nito na wala naman silang naitatalang seryosong kaso ng pagkakasakit sa mga Persons Deprived of Liberty o PDL.

Ayon kay JSINSP.Gayap, karaniwang nararanasan lamang ng ilang PDL ay panaka-nakang pagtaas ng presyon lalo na sa mga dati nang may hypertension.

Ipinaliwanag nito na posibleng nakakadagdag ang matinding init ng panahon kaya may ilang detainee ang nakararanas ng pagkahilo o biglaang pagtaas ng blood pressure.

--Ads--

Gayunman, sinabi niyang agad naman itong namamanage ng kanilang medical personnel at mayroon silang sapat na gamot para sa mga may alta presyon.

Dagdag pa nito, kung kinakailangan ay agad nilang dinadala sa ospital ang mga PDL na nangangailangan ng mas masusing gamutan bagamat sa kasalukuyan ay wala pa naman umanong naipapadalang detainee sa ospital o City Health Office dahil sa seryosong kondisyon.

Sa ngayon ay umaabot sa 138 ang kabuuang bilang ng PDL sa BJMP Cauayan City kabilang ang pitong babae at 11 senior citizens.

Ayon pa sa opisyal, nasa 72-anyos naman ang pinakamatandang detainee sa kanilang pasilidad.

Nilinaw din nito na katamtaman lamang ang bilang ng mga PDL at hindi pa overcapacity ang kanilang kulungan.

Samantala, upang makatulong laban sa matinding init, pinapayagan ng BJMP ang limitadong bilang ng electric fan sa bawat selda o dormitory.

Aniya, maaari lamang maglagay ng 8 hanggang 12 electric fan sa bawat selda upang maiwasan ang overloading na maaaring magdulot ng sunog o pinsala sa electrical system.

Sa kasalukuyan ay mayroon ding apat na nurses ang BJMP Cauayan City na naka-duty nang pa-ikot upang matiyak na may nakahandang medical personnel anumang oras.