--Ads--

Bahagyang dumami ang bilang ng mga pasahero sa Cauayan City Airport kasabay ng summer vacation at katatapos lamang na Gawagaway-yan Festival.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Gil Pagulayan Jr., Chief ng Cauayan City Airport Police Station, sinabi nitong nananatiling maayos at kontrolado ang sitwasyon sa paliparan sa kabila ng pagdagsa ng mga biyahero.

Ayon kay PMaj. Pagulayan, naging maayos ang pag-asikaso sa mga pasahero at maging sa mga VIP na dumating sa lungsod kaugnay ng mga aktibidad sa festival. Dagdag pa niya, inaasahan pa ang patuloy na pagdami ng mga biyahero ngayong kasagsagan ng bakasyon.

Kaugnay nito, tiniyak ng opisyal na mahigpit ang ipinatutupad na seguridad sa loob ng paliparan sa tulong ng iba’t ibang ahensya gaya ng airport authorities at mga security personnel upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga pasahero.

--Ads--

Gayunman, inamin ni PMaj. Pagulayan na may ilan pa ring pasahero ang nahuhuling nagdadala ng mga ipinagbabawal na gamit o tinatawag na security-risk items. Kabilang dito ang mga bala, even isang piraso lamang na mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng airport, maging ang mga ginagawang souvenir tulad ng bala na ginawang bottle opener.

Samantala, magsasagawa ng bloodletting activity ang Cauayan City Airport Police Station sa darating na Mayo 26 sa kanilang tanggapan, at hinihikayat ang publiko na makiisa sa nasabing aktibidad bilang ambag sa pagtulong sa mga nangangailangan ng dugo.