--Ads--

Nlinaw ng pamunuan ng seguridad ng Cauayan Airport ang ipinatutupad na security protocol sa paliparan kasunod ng naging isyu sa pagpasok ng ilang opisyal sa restricted area.

Ayon kay Airport Security Manager Noel Rumbaoa, sinabi niya na may umiiral na patakaran hinggil sa pagpasok ng mga sumasalubong sa airport, kung saan may itinalagang non-restricted at restricted areas.

Ayon kay Rumbaoa, tanging ang mga may kaukulang pass mula sa airport security o Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pinapayagang makapasok sa restricted area.

Humingi naman ng paumanhin ang opisyal sa mga city officials na hindi nakapasok sa paliparan noong mga nakaraang araw upang sumalubong sa isang VIP dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng nasabing protocol.

--Ads--

Dagdag pa niya, nakarating na rin sa kanyang tanggapan ang ulat hinggil sa naging asal ng ilang security personnel sa naturang insidente at nangakong agad itong aaksyunan.

Sinabi rin ni Rumbaoa na kanilang idudulog sa mas mataas na tanggapan ang posibilidad na mabigyan ng pass access ang mga lokal na opisyal upang magamit sa mga ganitong pagkakataon.

Matatandaan na pinatawag ang mga opisyal ng airport upang magpaliwanag sa isinagawang committee hearing kaugnay sa implementasyon ng security protocol sa Cauayan Airport.

Samantala, sa naturang pagdinig ay hindi pa napagpasyahan ang hiling ng mga city officials na mabigyan ng access pass sa restricted area dahil kinakailangan pa itong aprubahan ng mas mataas na awtoridad.