--Ads--

Inalis na ng Sandiganbayan Fifth Division si dating Department of Public Works and Highways o DPWH Secretary Manuel Bonoan sa mga kasong plunder at graft na isinampa sa korte matapos pagbigyan ang mosyon ng Ombudsman.

Sa botong 2-1, sinabi ng mga mahistrado na saklaw ng “prosecutorial discretion” ng Ombudsman ang pagpapasya kung sino ang gagamitin nitong state witness upang makatulong sa matagumpay na pagsasampa at pagpapatunay ng mga kasong kriminal.

Kasamang akusado ni Bonoan si Senator Jinggoy Estrada at tatlo pang indibidwal sa kasong isinampa ng Ombudsman noong Mayo dahil sa umano’y sabwatan para makalikom ng mahigit P500 milyon na kickback mula sa mga flood control project.

Noong Hunyo, hiniling ng Ombudsman sa Sandiganbayan na alisin si Bonoan sa kaso matapos niyang ipahayag ang kahandaang makipagtulungan sa imbestigasyon.

--Ads--

Ayon sa Ombudsman, mahalaga ang magiging testimonya ni Bonoan upang matukoy ang sistemang umano’y nasa likod ng kickback scheme sa mga kuwestiyonableng proyekto.

Samantala, sinabi rin ng Sandiganbayan na may kapangyarihan ang Ombudsman sa ilalim ng batas na magbigay ng immunity sa isang indibidwal na makikipagtulungan sa imbestigasyon.

Hindi pa na-a-arraign sina Estrada at Bonoan dahil nakabinbin pa ang ilang mosyon sa korte.

Gayunman, itinakda ng Sandiganbayan sa Setyembre 3 ang arraignment ni Estrada.