Ibinunyag ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na nabuo ang tinatawag na “Senate Leadership Fund” matapos umanong magpahayag ng pagkabahala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa laki ng mga congressional insertions sa pambansang badyet.
Sa kanyang affidavit na isinumite sa Sandiganbayan, sinabi ni Bonoan na layunin ng naturang mekanismo na maprotektahan ang pondo ng mga programa ng DPWH at maisama na sa panukalang badyet ng ahensiya ang mga prayoridad na proyekto ng mga senador.
Ayon kay Bonoan, nagsimula ang usapin noong 2023 nang malaki ang ibinaba ng pondo para sa foreign-assisted projects ng DPWH mula P70.71 bilyon tungo sa P7.938 bilyon.
Aniya, ang mga nabawas na pondo, kasama ang karagdagang P292.715 bilyon sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act, ay nauwi sa pagdaragdag ng 8,075 bagong proyekto na ipinasok sa badyet.
Sinabi rin ni Bonoan na ipinaalam niya kay Pangulong Marcos ang malaking pagbawas sa pondo. Ayon sa kanya, nabahala ang Pangulo at inatasan siyang tiyakin ang patas na alokasyon ng resources, partikular sa mga mahihirap na lalawigan.
Dahil dito, iminungkahi umano niya ang paglikha ng Senate Leadership Fund upang maisama na agad sa panukalang badyet ng DPWH ang mga prayoridad na proyekto ng mga senador at mabawasan ang posibilidad na galawin o bawasan pa ng Kongreso ang pondo ng ahensiya.
Ayon pa kay Bonoan, walang nakatakdang permanenteng halaga para sa bawat senador, ngunit may minimum na P500 milyon na alokasyon, habang hindi bababa sa P1 bilyon naman ang para sa Senate President at mga committee chairperson.
Tinaya niyang umabot sa P13.29 bilyon ang pondong ginamit sa ilalim ng programa noong 2024 at P21 bilyon naman noong 2025.
Inihayag din niya na nakipagpulong siya noon kina dating Senate President Juan Miguel Zubiri noong 2024 at Senate President Francis “Chiz” Escudero noong 2025 kaugnay ng implementasyon ng pondo.
Dagdag pa ni Bonoan, batid din umano ng economic team ng administrasyon ang inisyatiba, na may itinakdang internal allocation limit na P24 bilyon para sa 2024 budget.
Mayroon ding hiwalay na pormula para sa infrastructure allocations ng mga congressional district na nakabatay sa populasyon, lawak ng lupain, ambag sa GDP, antas ng kahinaan sa kalamidad, estado ng imprastraktura at dami ng mahihirap na lalawigan.
Gayunman, inamin ni Bonoan na hindi naging sapat ang Senate Leadership Fund upang mapigilan ang budget insertions dahil lalo pang dumami ang congressional initiatives sa mga badyet ng 2024 at 2025, kabilang ang mga dagdag na proyekto sa ilalim ng DPWH.
Isinumite ni Bonoan ang naturang affidavit bilang prosecution witness sa kasong P92.8-milyong malversation laban kay dating senador Bong Revilla na may kaugnayan sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Si Bonoan ay nahaharap din sa kasong plunder kasama si Senador Jinggoy Estrada, habang patuloy umanong ikinokonsidera ng Office of the Ombudsman bilang posibleng state witness laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Samanatala, mariing pinabulaan ni senator Migs Zubiri na tumanggap siya ng anumang allocables at nagsumite ng anumang proyekto sa panahong siya ang Senate President.











