--Ads--

Umatras na si British-Israeli lawyer Nicholas Kaufman mula sa depensa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Sa dokumentong inilabas ng ICC nitong Biyernes, ipinaalam ni Kaufman na matapos ang kanyang pagbisita kay Duterte sa kulungan noong Huwebes, sinabi ng dating pangulo na kukuha siya ng ibang abogado para sa kanyang kaso.

Ayon kay Kaufman, tiwala siya na mananatiling matatag ang depensa ni Duterte sa tulong ng bagong abogado at ng kasalukuyang defense team. Dagdag pa niya, natapos na rin ang kanyang isang taong kontrata noong Marso 31, 2026.

Samantala, pinayagan din ng Trial Chamber III ang kahilingan ni Dov Jacobs na umatras bilang associate counsel ni Duterte, kasunod ng desisyon ng dating pangulo na muling ayusin ang kanyang defense team.

--Ads--

Si Kaufman ay naitalagang lead defense counsel noong Marso 2025 matapos dalhin si Duterte sa The Hague, Netherlands sa bisa ng ICC warrant. Mula noon, iginiit niya na walang hurisdiksyon ang ICC sa kaso, ngunit kamakailan lamang ay tinanggihan ng Appeals Chamber ang naturang argumento.