Maaaring kuwestiyunin sa Korte Suprema ang panukalang pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE, matapos itong maipasa sa ikalawang pagbasa sa Senado.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, law professor, sinabi niyang may dalawang aspeto ang usapin, legal at moral.
Ayon kay Arreola, legal na may kapangyarihan ang Kongreso na baguhin ang termino ng mga barangay official dahil nakasaad ito sa Local Government Code, na isang batas na ipinasa ng Kongreso.
Samantala, sa moral na aspeto, binigyang-diin niya ang karapatan ng taumbayan na bumoto at pumili ng mga nais nilang mamuno, alinsunod sa karapatang bumoto na nakasaad sa Saligang Batas.
Sa personal namang pananaw ni Atty. Arreola, mas mainam na ituloy ang halalan at ipaubaya sa taumbayan ang pagpili ng mga bagong mamumuno, lalo’t nakapaghanda at nakagastos na rin ang pamahalaan para sa BSKE.
Para naman sa mga nais na matuloy ang halalan sa November 2, maaari aniyang kuwestiyunin sa Korte Suprema ang batas na magpapaliban dito kung sakali mang maaprubahan dahil ang Kataas-taasang Hukuman ang pinal na magpapasya kung naaayon sa Konstitusyon ang naturang batas.
Maaari rin umanong maglabas ng temporary restraining order o TRO, o injunction, ang Korte Suprema upang pansamantalang pigilan ang pagpapatupad ng naturang batas.











