--Ads--

Noong Sabado, Agosto 2, 2025, natagpuan ang isang bungo ng tao sa madamong bahagi ng Purok Placida, Barangay Calumpang, General Santos City.

Kasama ng bungo ang ilang karayom at isang larawan ng lalaki at babae na may nakasulat na pangalan sa likod, na pinaniniwalaang bahagi ng isang ritwal na may kaugnayan sa black magic.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng kinuha ang bungo mula sa isang sementeryo, matapos matuklasan na may ilang nitso sa lugar na tila sapilitang binuksan.

Isiniwalat din ng isang tagabantay ng lokal na sementeryo na may isang kahina-hinalang lalaki na bumisita sa lugar isang buwan bago ang insidente.

--Ads--

Naka-camouflage umano ito at may dalang bag at kwintas, at nagtangkang pumasok sa sementeryo kahit ito ay ipinagbabawal.

Sa kasalukuyan, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy kung sino ang nasa likod ng naturang aktibidad.

Pinaalalahanan din ng pulisya ang publiko na igalang ang mga labi ng yumao at huwag gamitin ang mga ito sa mga gawaing mapanira, lalo na’t maaaring lumabag ito sa batas at magdulot ng takot sa komunidad.