--Ads--

Tinawag na “unusual” ni dating LandBank department manager Violeta Constantino ang sunod-sunod na cash withdrawals ng Office of the Vice President (OVP) na umabot sa kabuuang ₱500 milyon.

Sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni Constantino na tinutukoy niya ang apat na tsekeng tig-₱125 milyon na in-encash ni OVP special disbursing officer Gina Acosta mula Disyembre 2022 hanggang Hulyo 2023.

Sa pagtatanong ni Senator-Judge Erwin Tulfo, sinabi ni Constantino na hindi karaniwan para sa isang ahensya ng gobyerno ang ganitong kalaking cash withdrawal batay sa kanyang 32 taong karanasan sa LandBank.

Gayunman, sinabi niyang hindi na kinuwestiyon ng bangko ang layunin ng withdrawal dahil dumaan naman umano ito sa proseso at may naunang abiso mula sa OVP.

--Ads--

Nilinaw rin ni Constantino na hindi niya alam na gagamitin ang naturang pera bilang confidential funds.

Samantala, sinabi niya na inirereport sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang lahat ng transaksyong lampas ₱500,000, ngunit hindi siya maaaring magbigay ng detalye kaugnay ng mga iniulat dahil sa patakaran ng AMLC.