--Ads--

Inamin ng isang opisyal ng Office of the Vice President (OVP) sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na walang nakatakdang target accomplishments para sa paggastos ng P125 milyong confidential fund na natanggap ng tanggapan noong Disyembre 2022.

Sa pagdinig ng impeachment court, sinabi ni Gina Acosta, dating special disbursement officer ng OVP, na walang espesipikong bilang, lokasyon, gastos o target na nakasaad sa Physical and Financial Plan ng OVP para sa mga surveillance operation at iba pang programang popondohan ng confidential fund.

Ipinaliwanag ni Acosta na plano pa lamang ang dokumento noong panahong iyon at kakalabas pa lamang ng Special Allotment Release Order (SARO) kaya wala pang nakatalagang target accomplishments.

Lumabas din sa pagdinig na si Vice President Duterte umano ang nagbigay ng pahintulot upang maipasa ni Acosta ang P125 milyong confidential fund kay Col. Raymund Lachica ng Vice Presidential Security and Protection Group noong 2022.

--Ads--

Nauna nang binigyang-diin ng prosekusyon na ang paggamit ng confidential at intelligence funds ay dapat nakaayon sa Physical and Financial Plan ng isang ahensya alinsunod sa umiiral na mga patakaran.

Samantala, sinabi rin ni Acosta na kabilang sa mga naitalang accomplishment ng OVP para sa liquidation ng pondo ang tree planting, Libreng Sakay, at mga programang ayuda medikal at pinansyal.

Aminado siyang hindi partikular na nakasaad ang mga ito sa Physical and Financial Plan, ngunit iginiit na pangkalahatan o generic lamang ang paglalarawan ng mga programa sa naturang plano habang aktuwal na resulta naman ang inilalagay sa accomplishment report.