--Ads--

Mariing kinondena ng mga dating mambabatas ng Makabayan Bloc na sina France Castro, Arlene Brosas, at Raoul Manuel ang mga ulat na nagdadawit sa kanila sa umano’y pagtanggap ng mga maleta o paper bag na naglalaman ng pera.

Tinawag nilang isang nakakahiyang kasinungalingan at walang batayan ang mga kuwentong madalas silang nakikipagkita kay dating Congressman Zaldy Co upang tumanggap ng suhol.

Binigyang-diin ng tatlo na makikita sa kanilang rekord sa loob at labas ng Kongreso na palagi silang naglilingkod sa publiko nang may integridad at prinsipyo.

Ipinaliwanag din nila na kailanman ay hindi sila maaaring masangkot sa flood control scam dahil walang budget insertions o mga proyektong imprastraktura ang kanilang mga tanggapan na pwedeng pagkunan ng kickback.

--Ads--

Naniniwala ang mga dating kinatawan na ang paninirang ito ay isang sistematikong pagtatangka upang gibain ang kredibilidad ng mga grupong nagnanais na panagutin ang pamilyang Duterte.

Idinagdag pa nila na kahina-hinala ang timing ng pag-atake dahil ginawa ito habang papalapit ang impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Duterte at habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng ICC kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.