--Ads--

Nagpahayag ng pasasalamat at kasiyahan ang mga residente ng Barangay Patul, Santiago City at mga karatig lugar matapos pormal na buksan ang bagong footbridge na matagal na nilang hinihiling upang magkaroon ng mas ligtas na tawiran, lalo na para sa mga estudyante.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kina Teresita Ricelli at Arlinda Solina, ibinahagi nila na malaking tulong ang naturang imprastraktura dahil hindi na kailangang tumawid sa ilog o umikot pa sa mga bukirin upang makarating sa paaralan, pamilihan, at iba pang mahahalagang destinasyon.

Dahil sa bagong footbridge, inaasahang magiging mas ligtas at mas maginhawa ang araw-araw na pagbiyahe ng mga residente at pagpasok ng mga mag-aaral.

Matatandaang unang iniulat ng Bombo Radyo Cauayan noong Pebrero ang pagsisimula ng konstruksyon ng proyekto. Ayon sa engineer na nangangasiwa rito, dinisenyo ang footbridge upang maging matibay, ligtas, at angkop sa pangangailangan ng mga estudyante, manggagawa, at nakatatanda na regular na dumaraan sa lugar.

--Ads--

Bagama’t para lamang ito sa mga naglalakad at hindi para sa mga sasakyan, inaasahang malaki ang maitutulong nito sa komunidad na dati ay nahihirapang tumawid lalo na kapag mataas ang tubig sa ilog.

Ang proyekto, kabilang ang bridge approach, ay pinondohan ng lokal na pamahalaan sa halagang P16.8 milyon at itinayo bilang tugon sa panawagan ng mga residente para sa mas ligtas na daanan.

Samantala, muling nagpaalala ang mga awtoridad na para lamang sa mga pedestrian ang paggamit ng footbridge at mahigpit na ipinagbabawal ang pagdaan ng mga motorsiklo at e-bike upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit nito.