Paiigtingin ng mga awtoridad ang pagbabantay sa mga establisimyento sa Lungsod ng Cauayan na magdamag na bukas kasunod ng mga reklamong natatanggap mula sa mga residente hinggil sa mga paglabag na umano’y nagaganap sa ilang negosyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division Chief Pilarito Mallilin, may mga ulat silang natatanggap na may mga kostumer na patuloy na nag-iinuman sa ilang business establishments hanggang alas-7:00 ng umaga, na taliwas sa umiiral na regulasyon ng lungsod.
Aniya, hanggang alas-2:00 lamang ng madaling araw ang pinapayagang oras para sa naturang mga aktibidad, kaya mahigpit nilang ipatutupad ang mga ordinansang may kaugnayan dito.
Dahil dito, magsasagawa ang Public Order and Safety Division (POSD) ng mas mahigpit na monitoring at inspeksyon sa mga establisimyentong bukas magdamag upang matiyak ang pagsunod ng mga ito sa itinakdang operating guidelines at iba pang lokal na ordinansa.
Dagdag pa ni Mallilin, nakikipag-ugnayan din sila sa Cauayan Component City Police Station upang mas mapalakas ang pagpapatupad ng mga ordinansa at agarang matugunan ang mga reklamo mula sa publiko.
Ipinaliwanag niya na layunin ng hakbang na mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa mga komunidad, lalo na sa mga lugar na malapit sa residential areas na madalas maapektuhan ng ingay at iba pang abala mula sa mga establisimyento.
Nagpaalala rin ang opisyal sa mga may-ari ng negosyo na tiyaking sumusunod ang kanilang mga establisimyento sa mga umiiral na patakaran upang maiwasan ang posibleng pagpapataw ng kaukulang parusa at iba pang aksyong administratibo.
Samantala, hinihikayat ng POSD at Cauayan Component City Police Station ang publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang paglabag upang mabigyan ito ng agarang aksyon at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod.











