--Ads--

Hindi umano maaaring basta-basta makakuha ng CCTV footage mula sa BGD Command Center sa Cauayan City dahil kinakailangang dumaan muna ito sa itinakdang proseso at pag-apruba ng mga kinauukulang tanggapan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay BGD Command Center Head Michael Cañero, sinabi niyang nakabatay ang pagpapalabas ng CCTV footage sa Ordinance No. 2024-605 at sa mga alituntunin ng National Privacy Commission upang maprotektahan ang data privacy at pribadong impormasyon ng publiko.

Ayon kay Cañero, ang sinumang nagnanais humiling ng CCTV footage ay kailangang magsumite ng pormal na liham na naglalaman ng eksaktong petsa, oras at layunin ng paghingi ng footage.

Aniya, isinasailalim muna sa pagsusuri ng Legal Office ang bawat kahilingan bago ito isumite sa tanggapan ng alkalde para sa pinal na pag-apruba.

--Ads--

Kapag naaprubahan na ng alkalde, saka lamang ipoproseso ng BGD Command Center ang kahilingan at ilalabas ang footage kung aktuwal na nahagip ng kanilang mga kamera ang hinihiling na insidente.

Binigyang-diin ni Cañero na mahalagang sundin ang itinakdang proseso upang maiwasan ang maling paggamit ng CCTV footage at mapanatili ang proteksyon sa pribadong impormasyon ng mga mamamayan.

Hinimok din niya ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan at kumpletuhin ang mga kinakailangang dokumento upang mapadali ang pagproseso ng mga kahilingan para sa CCTV footage.