--Ads--

Iginiit ni suspended Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca nitong Miyerkules na “spliced” lamang umano ang mga CCTV footage na lumabas kaugnay ng naganap na pamamaril sa loob ng Senado noong Mayo 13.

Ayon kay Aplasca, may inihahanda silang kumpletong kopya ng mga video upang maipakita ang buong pangyayari. Giit niya, hindi aniya tama na piling bahagi lamang ng CCTV ang ipinapakita upang suportahan ang isang partikular na naratibo.

Paliwanag pa niya, hindi siya nagulat sa posibilidad na sampahan ng kaso laban sa kanya at sa dalawang iba pang tauhan ng Senate security. Ayon sa Philippine National Police (PNP), inirerekomenda nila ang pagsasampa ng kaso laban sa mga nasabing opisyal kaugnay ng umano’y paglabag sa Rules of Engagement at sa Republic Act No. 11917 o Private Security Services Industry Act.

Sinabi rin ni Aplasca na hindi pa niya personal na nahaharap ang PNP-CIDG sa kabila ng mga inilabas na subpoena bilang bahagi ng imbestigasyon. Itinanggi rin niya ang paratang na may itinatagong ebidensya ang kanilang tanggapan, kabilang ang CCTV at mga armas.

--Ads--

Dagdag pa niya, may isinagawang security coordination meeting sa Office of the Senate Sergeant-at-Arms noong Mayo 12 kasama ang mga kinatawan ng GSIS Security Office, na tumalakay umano sa paghahandang panseguridad kaugnay ng nakaambang impeachment proceedings. Samantala, nananatiling iniimbestigahan ang insidente kung saan narinig ang mga putok ng baril sa Senado habang nasa protective custody si Sen. Ronald dela Rosa.