Nanawagan ang China sa pamahalaan ng Pilipinas na agad itigil ang umano’y paglabag at mga provocation sa karagatan sa pinag-aagawang West Philippine Sea, kasabay ng babala na maaari itong magsagawa ng matitinding hakbang, ayon sa pahayag ng Chinese Embassy spokesperson na si Ji Lingpeng.
Ayon sa China, tugon ito sa naunang pahayag ng National Maritime Council na kumondena sa umano’y agresibo at mapanganib na kilos ng China Coast Guard, People’s Liberation Army Navy, at Chinese Maritime Militia sa nasabing lugar.
Mariing itinanggi ng Chinese Embassy ang mga alegasyon ng Pilipinas at iginiit na gawa-gawa lamang ang mga ito at layuning sirain ang imahe ng China at iligaw ang opinyon ng publiko.
Ipinunto rin ng China na ang kanilang mga hakbang ay naaayon sa international law, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea, at inakusahan ang Pilipinas ng paglabag sa soberanya at karapatang pandagat ng China.
Binigyang-diin ng embahada na hindi papayagan ng China ang umano’y padalus-dalos na aksyon ng Pilipinas at patuloy itong magsasagawa ng hakbang upang ipagtanggol ang kanilang teritoryo at interes sa karagatan, gayundin ang kapayapaan sa South China Sea.
Hinimok din ng China ang Pilipinas na itigil ang mga provocation at bumalik sa dayalogo at konsultasyon upang maresolba ang isyu.
Tinatawag ng Pilipinas ang bahagi ng South China Sea na nasa loob ng exclusive economic zone nito bilang West Philippine Sea. Noong 2016, nagpasya ang isang international arbitral tribunal sa The Hague pabor sa Pilipinas at sinabing walang legal na batayan ang malawak na claim ng China, subalit hindi ito kinilala ng Beijing.











