--Ads--

Halos sold out na ang mga tiket para sa Premier Volleyball League o PVL on Tour 2026 sa Capital Arena sa Lungsod ng Ilagan, ilang araw bago ang inaabangang torneo sa Hulyo 8.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, City Information Officer ng Local Government Unit ng City of Ilagan, sinabi niyang inilipat sa Hulyo 8 ang torneo mula sa orihinal na petsang Hulyo 4 dahil sa sunud-sunod na aktibidad na nakatakda sa lungsod.

Ayon kay Bacungan, magbubukas ang torneo sa alas-4:00 ng hapon sa pagitan ng Akari Chargers at ZUS Coffee Thunderbelles, habang magsasagupa naman ang Creamline Cool Smashers at Nxled Chameleons sa alas-6:30 ng gabi.

Sa Hulyo 7, magkakaroon naman ng pagkakataon ang mga volleyball fans na personal na makilala ang kanilang mga paboritong manlalaro sa isang meet-and-greet activity.

--Ads--

Aniya, pangatlong beses nang pinili ng pamunuan ng PVL ang Capital Arena bilang venue ng kanilang tour dahil sa lawak ng pasilidad, modernong kagamitan, at mainit na pagtanggap ng pamahalaang lungsod at ng mga Ilagueño.

Ibinahagi rin niya na sa mga nakaraang pagbisita ng liga ay napuno ang 10,000-seat capacity ng arena, dahilan upang mabilis na maubos ang mga tiket sa bawat torneo.

Hindi lamang aniya mga residente ng Ilagan ang inaasahang dadalo kundi maging mga volleyball fans mula sa iba’t ibang bayan at lalawigan.

Malaki rin umano ang naidudulot ng naturang torneo sa lokal na ekonomiya dahil nakikinabang dito ang mga MSME, tricycle driver, hotel, restaurant, at iba pang negosyo sa pagdagsa ng mga bisita.

Dagdag pa ni Bacungan, ilang koponan at coach ang inaasahang darating ngayong weekend at nakatakdang bumisita sa mga pasyalang lugar ng lungsod, kabilang ang Abuan River.

Samantala, abala rin ang pamahalaang lungsod sa paghahanda para sa ika-14 na Cityhood Anniversary ng Ilagan at sa pormal na pagbubukas ng City of Ilagan College sa pakikipagtulungan ng Adamson University sa Agosto 11.

Isa rin sa mga pinakamalalaking event na inaabangan ngayong taon ang kauna-unahang Air Supply concert sa Cagayan Valley na gaganapin sa Capital Arena sa Oktubre 31.

Hinihikayat naman ni Bacungan ang publiko na suportahan ang PVL Tour 2026 at makiisa sa mga nakahandang aktibidad ng Lungsod ng Ilagan.