--Ads--

Mayroon nang available na anti-venom laban sa kagat ng Philippine cobra sa City of Ilagan Medical Center (CIMC) bilang bahagi ng pagpapalakas ng serbisyong medikal para sa mga biktima ng snakebite.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Armely Joyce Agati, Medical Officer III ng City of Ilagan Medical Center, sinabi nito na ang anti-venom ay isang espesyal na gamot na ginagamit upang ma-neutralize ang lason mula sa makamandag na ahas, partikular ang Naja philippinensis o Philippine cobra.

Aniya, naging posible ang pagkuha ng suplay sa tulong ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Josemarie Diaz at sa pakikipag-ugnayan sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Ayon kay Dr. Agati, mayroong 25 vials ng anti-venom na kasalukuyang nakaimbak sa ospital habang may nakalaan pang 50 vials na karagdagang suplay mula sa RITM.

--Ads--

Gayunman, nilinaw niyang limitado pa rin ang produksyon ng naturang gamot sa bansa kaya hindi ito agad-agad na naipapamahagi sa lahat ng pagamutan.

Ipinaliwanag din niya na hindi lahat ng nakagat ng ahas ay kinakailangang bigyan ng anti-venom. Ginagamit lamang ito kapag may malinaw na sintomas ng envenomation gaya ng panghihina ng katawan, hirap sa paghinga at iba pang neurotoxic manifestations na dulot ng lason ng cobra.

Sa kasalukuyan, nakapagtala na ang CIMC ng limang kaso ng snakebite ngayong taon, bagamat karamihan sa mga ito ay mula sa hindi makamandag na uri ng ahas.

Dagdag pa ni Dr. Agati na libre ang anti-venom para sa mga residente ng Lungsod ng Ilagan. Sinabi rin niyang sumailalim na sa mga pagsasanay at workshop ang mga doktor at nurse ng CIMC upang matiyak ang mabilis at ligtas na pagtugon sa mga kaso ng snakebite.

Pinaalalahanan naman niya ang publiko na huwag gumamit ng tourniquet o iba pang tradisyunal na pamamaraan sa kagat ng ahas at sa halip ay agad na dalhin ang biktima sa pinakamalapit na ospital para sa tamang gamutan.