Binibigyan na ngayon ng mas malinaw at direktang oportunidad sa pagpasok sa trabaho sa gobyerno ang mga senior high school graduates at kwalipikadong junior high school completers, matapos hikayatin ng Department of Education (DepEd) na kumuha ng August 2026 Civil Service Examination.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng inisyatiba na palakasin ang school-to-work pathway upang mas maging madali ang pagpasok ng mga nagtapos ng basic education sa entry-level government positions.
Giit ni Angara, nais ng pamahalaan na mabigyan ng malinaw na direksyon ang mga kabataan pagkatapos ng pag-aaral at matulungan silang makahanap ng oportunidad sa serbisyo publiko kung nanaisin nilang magtrabaho sa gobyerno.
Batay sa patakaran ng Civil Service Commission, kinikilala ang K to 12 graduates, kabilang ang senior high school completers, bilang kwalipikado sa ilang first-level government positions, depende sa hinihinging requirements ng bawat posisyon.
Maaaring mag-apply ang mga edad 18 pataas para sa Career Service Examination–Pen and Paper Test (CSE-PPT) na gaganapin sa August 9, 2026, habang ang aplikasyon ay bukas mula May 14 hanggang June 10, 2026.
Bahagi ito ng mas malawak na hakbang ng DepEd upang iangkop ang basic education system sa pangangailangan ng labor market at mas suportahan ang mga kabataang nais pumasok agad sa workforce pagkatapos ng pag-aaral.











