Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) Cauayan City ang maayos na pag-aassign sa mga public school teachers na magsisilbi sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer ng COMELEC Cauayan City, sinabi niyang pinoproseso na ng kanilang tanggapan ang listahan ng mga guro at iba pang magsisilbi sa halalan upang maiwasan ang conflict of interest.
Tinitiyak din umano na hindi sila madidiskwalipika at hindi maa-assign sa lugar kung saan mayroon silang kamag-anak na maaaring magdulot ng conflict of interest sa kanilang tungkulin.
Ayon kay Vallejo, mahalaga ang papel ng mga electoral board dahil sila ang tutulong sa mga botante, mangangasiwa sa pagboto at magsasagawa ng bilangan ng mga boto.
Sa Cauayan City, nasa 833 electoral boards ang inaasahang magsisilbi sa halalan, habang ilalabas din ng COMELEC ang listahan ng mga itinalagang electoral board upang maging malinaw sa mga kandidato at maiwasan ang anumang pagtatalo.
Samantala, inaasahang ilalabas at ipapaskil sa tanggapan ng COMELEC ang listahan ng mga botante upang malaman ng publiko ang kanilang precinct at voting center para sa BSKE 2026, na nakatakdang idaos sa Nobyembre 2.











