Naghahanda na ang Commission on Elections (COMELEC) Cauayan City para sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Setyembre 28 hanggang Oktubre 5, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay COMELEC Election Assistant Loreta Badua ng Cauayan City, sinabi nitong nasa humigit-kumulang 80 araw na lamang ang nalalabi kaya hinihikayat na ang mga nagnanais tumakbo na kumpletuhin ang lahat ng kinakailangang dokumento bago ang itinakdang filing period.
Ayon kay Badua, abala na rin ang kanilang tanggapan sa paghahanda para sa halalan, kabilang ang pag-e-encode ng datos ng mahigit 1,000 public school teachers para sa bagong system-generated payroll ng COMELEC, habang nakatakdang simulan sa Hulyo 29 ang pagbuo ng Electoral Boards o mga poll workers.
Batay sa pinal na talaan ng mga botante, inaasahang boboto sa lungsod ang 94,052 regular voters at 35,769 SK voters na may edad 15 hanggang 30 taong gulang.
Ipinaalala rin ni Badua na kabilang sa mga pangunahing requirements sa paghahain ng COC ang passport-size photograph na kuha sa loob ng anim na buwan, PSA birth certificate, ₱30 documentary stamp, notarized na COC, orihinal na lagda ng aspirant at iba pang kinakailangang impormasyon.
Binigyang-diin nito na hindi tatanggapin ng COMELEC ang mga hindi kumpleto o may kakulangan sa requirements na COC.
Samantala, inaasahan ng COMELEC Cauayan na sa isang araw ay mahigit 300 aspirant kabilang ang mga tatakbo sa Sangguniang Kabataan, ang maghahain ng kandidatura ngayong taon. Maglalabas din ang tanggapan ng iskedyul ng filing upang maging maayos ang daloy ng mga aplikante.
Pinaalalahanan din ni Badua ang publiko na sarado na ang voter registration system, kaya hindi na maaaring magparehistro o magpaayos ng voter records hanggang matapos ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.










