CAUAYAN CITY- Muling hinimok ng Commission on Elections ang publiko na magsumbong sa kanilang tanggapan kung sakali mang mayroong vote buying na posibleng mangyari sa Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cauayan City Election Offiver Atty. Johanna Vallejo, sinabi niya na ang lungsod ng Cauayan ay hindi tulad sa ibang mga ibang lugar na bulgaran ang pamumudmod ng pera sa mga botante dahil hanggang sa ngayon ay wala pang naipaparating sa kanilang tanggapan na mayroong nagaganap na pamimili ng boto sa lungsod.
Naniniwala naman sila na susunod sa Election Code ang mga kandidato ngunit patuloy pa rin aniya ang ginagawa nilang monitoring.
Nanawagan naman ang Comelec sa lahat ng mga botante sa Cauayan na maging wais sa pag boto ngayong eleksyon.
Bukas din aniya ang kanilang tanggapan sa lahat ng nagnanais na magsumbong basta siguraduhing kompleto ang ebidensya para makapag hain sila ng reklamo sa mga kandidatong lalabag sa alituntunin.
Sakali man aniyang may vote buying at vote selling na mangyari sa Cauayan City at hindi ito maipaparating sa tanggapan ng Comelec ay kampante pa rin sila na magiging matalino sa pag boto ang mga residente sa Cauayan.