Hindi muna maaaring mag-hire o mag-appoint ng mga bagong empleyado ang ilang tanggapan ng pamahalaan simula Setyembre 18 hanggang Nobyembre 1, 2026, alinsunod sa mga ipinatutupad na pagbabawal ng Commission on Elections.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer ng Comelec Cauayan City, sinabi nitong sakop ng naturang pagbabawal ang pagkuha o pag-a-appoint ng mga indibidwal sa mga tanggapan at ahensya ng pamahalaan.
Partikular namang mula Oktubre 23 hanggang Nobyembre 1, 2026, hindi rin maaaring mag-hire ang mga opisyal ng barangay.
Ayon kay Atty. Vallejo, layunin ng naturang pagbabawal na maiwasan ang paggamit ng pagkuha o pag-a-appoint ng isang indibidwal bilang paraan upang makakuha ng suporta o boto sa halalan.
Samantala, nilinaw rin ng Comelec Cauayan City ang paggamit ng updated na Certificate of Candidacy o COC form, kabilang ang sworn declaration of conflict of interest.
Aniya, hindi dapat gamitin ng mga kandidato ang naunang bersyon ng form na naipaskil noon.
Sa halip, kailangang gamitin ang updated na form na inilabas ng Comelec para sa paghahain ng COC na gaganapin mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 5, 2026.
Dagdag pa ni Atty. Vallejo, libre namang makukuha ang naturang form sa tanggapan ng Comelec Cauayan City at maaari ring i-download sa pamamagitan ng QR code na makikita sa kanilang Facebook page upang hindi na kinakailangang personal pang magtungo sa kanilang opisina ang mga kukuha nito.










