Nagbabala ang Commission on Elections o Comelec na maaaring maantala o maapektuhan ang paghahanda para sa 2028 general elections dahil sa malaking bawas sa proposed budget ng komisyon.
Sa budget hearing sa Kamara, hiniling ni Comelec Chairman George Garcia sa mga mambabatas na ibalik ang mga pondong tinanggal sa National Expenditure Program o NEP.
Mula sa orihinal na ₱52.6 bilyong budget request, nasa ₱29.5 bilyon na lamang ang inilaan, kabilang ang halos ₱9 bilyon para sa election preparations at humigit-kumulang ₱6 bilyon sa regular appropriations.
Ayon kay Garcia, maaaring kapusin ang Comelec ng 9,310 automated election system machines, dahil mahigit 124,000 voting machines ang kakailanganin para sa tinatayang 74 milyong botante sa 2028.
Nabawasan din ng halos ₱3 bilyon ang pondo para sa pag-imprenta ng mga balota at iba pang election materials, habang humigit-kumulang ₱2.5 bilyon naman ang ibinawas sa deployment at logistics.
Wala ring nakalaang pondo para sa ilang mahahalagang aktibidad gaya ng inspeksyon ng voting centers, training at technical support, at pag-upa ng mga warehouse at venue.
Iginiit ni Garcia na mahalaga ang taong 2027 para sa paghahanda, kabilang ang posibleng mas maagang filing ng certificates of candidacy upang ma-finalize ang listahan ng mga kandidato at botante at makapagsimula ng ballot printing pagsapit ng Disyembre.











