--Ads--

Patuloy ang paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) para sa nakatakdang 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Ito ay sa kabila ng panukalang muling ipagpaliban ang BSKE na nakatakda sanang idaos sa Nobyembre 2, 2026.

Ayon kay Comelec Chairman Erwin George Garcia, susunod lamang ang ahensya sa anumang magiging pasya ng Kongreso.

Ipinaliwanag niya na batay sa naging desisyon ng Korte Suprema sa naunang pagpapaliban ng halalan, kinakailangan na may umiiral na lehitimong interes ng pamahalaan.

--Ads--

Giit pa ni Garcia, maaaring maituring na lehitimong government interest ang kasalukuyang krisis na nararanasan ng bansa, lalo na ang epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan na nakaapekto sa kabuhayan ng maraming Pilipino.

Binigyang-diin din niya na nasa Kongreso ang kapangyarihan at ganap na diskresyon sa pagpapaliban ng halalan, kaya hindi maaaring makialam ang Comelec kundi sumunod lamang.

Dagdag pa ng opisyal, maaari silang magbigay ng rekomendasyon ngunit ang pinal na desisyon kung itutuloy o ipagpapaliban ang halalan ay nasa Kongreso.