Kinuwestiyon ng isang constitutional lawyer ang naging pagpayag ng impeachment court na mag-isyu ng subpoena para sa bank records ni Vice President Sara Duterte, kasabay ng pahayag na wala pa umanong sapat na ebidensya ang prosecution upang bigyang-katwiran ang naturang hakbang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Ariel Inton, President at Founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, sinabi nitong pinayagan ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Senator Francis “Chiz” Escudero ang mosyon ng prosecution na maglabas ng subpoena para sa bank records ng bise presidente sa kabila ng mga pagtutol ng depensa.
Ayon kay Atty. Inton, maaari itong kuwestiyunin sa Korte Suprema kung may naganap na grave abuse of discretion dahil ang due process ay isang karapatang nakapaloob sa Konstitusyon at hindi lamang isang teknikal na usapin.
Aniya, bagama’t tama ang pahayag ng prosecution na “truth is not confidential,” sinabi nitong kinakailangan pa ring sundin ang wastong proseso bago mabuksan ang mga bank records ng sinumang inaakusahan.
Binigyang-diin pa ni Atty. Inton na hindi maaaring gamitin ang subpoena bilang paraan upang maghanap pa lamang ng posibleng ebidensya.
Kasabay nito, kinuwestiyon din niya ang argumento ng prosecution na kailangan ang bank records upang makita ang tinatawag nitong “bigger picture” ng mga alegasyon laban kay Vice President Duterte.
Ayon kay Atty. Inton, limitado lamang sa mga nakasaad sa Articles of Impeachment ang dapat talakayin sa paglilitis at hindi maaaring palawakin ang saklaw nito.
Sinabi rin niyang kung susundan ang sinasabing “money trail,” dapat itong tumukoy lamang sa panahong nagsisilbi na bilang bise presidente si VP Sara Duterte dahil iyon lamang ang sakop ng isang impeachable offense.










