CAUAYAN CITY- Kasalukuyang isinasagawa sa lungsod ng Cauayan ang Criminology Licensure Examination (CLE) kung saan nakapagtala ng mahigit isang libong examinee sa tatlong testing center sa lungsod.
Mahigpit namang ipinatutupad ng mga testing center ang pagbibigay ng kalidad na facility na magagamit ng mga examinee.
Sa ngayon ay mayroong kabuoang 1,383 examinees, 460 mula rito ang nasa Cauayan City Stand Alone Senior Highschool, habang ang ilan naman ay nasa Cauayan North Central School, at Cauayan South Central School.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. John Mina, School Principal ng CCSASH, noong nakaraang linggo pa napaghandaan ang CLE at tiniyak ng paaralan na sapat ang tatlong building para sa isasagawang pagsusulit.
Bukod sa pasilidad ay mayroon ding sapat na school guard ang paaralan para siguruhin na walang masamang mangyari sa mga examinee maging sa kanilang mga sasakyan na nakaparada sa harap ng gate.
Nagkaroon din aniya ng briefing sa mga school guard kung sino ang dapat at hindi dapat papasukin sa paaralan kaya nakatitiyak sila na magiging maayos ang tatlong araw na pagsusulit.