
CAUAYAN CITY – Inamin ng pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na bumagal ang proseso ng pagkuha sa resulta ng mga specimen na dinadala sa COVID-19 Testing laboratory sa rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya na nagkakaroon na ng backlog sa COVID-19 Testing laboratory ng CVMC dahil sa dami ng mga ipinapadalang specimen.
Hindi lamang aniya ito galing sa mga pasyenteng positibo kundi pati na sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus.
Aniya, dati ay dalawang araw lamang ang hinihintay para makuha ang resulta, subalit ito ay natatagalan na dahil natambakan sila ng mga specimen.
Ayon pa kay Dr. Baggao, nasa limang daan ang kanilang backlog ngayon.
Nakiusap na aniya siya sa DOH Region 2 na unahin ang mga specimens ng mga in-patients para agad silang makalabas kung negatibo ang resulta ng kanilang test at para mabawasan ang mga naghihintay pang specimen na kailangang isalang sa testing dahil nalalapit na ang expiration ng mga ito.









