--Ads--

Inaprubahan ng Department of Agriculture (DA) ang pagtatayo ng mga farm-to-market roads at tulay na nagkakahalaga ng ₱2.06 bilyon upang mapabuti ang koneksyon ng mga komunidad ng magsasaka at mangingisda sa mga pamilihan.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., saklaw ng proyekto ang 66 kilometro ng farm-to-market roads at 310 linear meters ng mga tulay sa mga lalawigan ng Zambales, Oriental Mindoro, Masbate, Samar, Bukidnon, at North Cotabato. Kabilang din sa mga inaprubahan ang mga irrigation system at post-harvest facilities.

Pinondohan ang malaking bahagi ng mga proyekto sa ilalim ng Philippine Rural Development Program (PRDP) Scale-Up infrastructure package na suportado ng World Bank.

Sinabi ni Laurel na makatutulong ang mga bagong kalsada at tulay upang mas mapadali ang pagdadala ng mga produktong agrikultural sa merkado at mapababa ang gastusin ng mga magsasaka at mangingisda.

--Ads--

Dagdag niya, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensya ng pamahalaan na pabilisin ang pagpapatupad ng mga proyekto dahil sa pangangailangan ng mga komunidad sa kanayunan para sa mas maayos na road connectivity.

Hinimok din ni Laurel ang mga lokal na pamahalaan na patuloy na maghanda ng mga proyektong tumutugon sa pamantayan ng World Bank upang mapabilis ang pag-apruba ng mga susunod pang proyekto.

Target ng DA na maipagkaloob ang natitirang mga proyektong pang-imprastraktura sa agrikultura sa ilalim ng PRDP bago matapos ang taon.