--Ads--

Nasakote ng pulisya ang tatlong indibidwal, kabilang ang dalawang menor de edad, matapos ang insidente ng carnapping sa Santiago City nitong Mayo 3.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Jonathaniel Esteban, kinilala ang mga suspek bilang isang 23-anyos na construction worker at dalawang menor de edad, pawang residente ng lungsod.

‎Kinilala ang biktima na si alyas “Dina,” 24 anyos.

‎Batay sa imbestigasyon, ipinarada ang motorsiklo ng biktima sa Vizcalang Street bandang 8:30 ng umaga at natuklasang nawawala makalipas ang isang oras.

‎Natunton ang motorsiklo sa Barangay Patul kung saan naaresto ang mga suspek na aktuwal na may hawak nito. Narekober din ang isang Rusi motorcycle.

‎Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Anti-Carnapping Act, habang ang mga menor de edad ay isasailalim sa kaukulang proseso.

‎Paalala ni PCapt. Jonathaniel Esteban sa publiko, tiyaking naka-secure at naka-lock ang mga sasakyan upang maiwasan ang pagnanakaw.