Naaresto ng pulisya ang apat na suspek na sangkot sa pagnanakaw ng sasakyan matapos silang maharang sa isang border control checkpoint sa Santa Fe, Nueva Vizcaya noong hapon ng Setyembre 14.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLT. John Paulo Catalan, Platoon Leader ng 205th Mobile Company Regional Mobile Force Battalion 2, nakatanggap ng flash alarm ang mga awtoridad bandang alas-11:00 ng umaga noong Setyembre 14 ukol sa nawawalang Toyota Avanza at Toyota Fortuner.
Sa gitna ng Border control checkpoint operation, napansin ng mga nakatatalagang pulis ang dalawang kahina-hinalang sasakyan na magka-convoy.
Sa ginawang pagsusuri sa mga dokumento at plate number, doon na kinumpirma ng mga awtoridad na ang mga naturang sasakyan ay naiulat na carnapped vehicles.
Mula sa operasyon ay naaresto ang apat na suspek na sina alyas na Mike 29, residente ng Parañaque City; alyas Emjay 29; alyas Rick 28; at alyas Roy 38 pawang residente ng Muntinlupa City
Ayon sa opisyal na pahayag ng pulisya may iniharap na documentation agreement ang mga suspek, batay sa naturang dokumento, ang nasabing Toyota Fortuner ay naibenta diumano sa ilalim ng isang rent-to-own agreement sa isang third party.
Patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang legalidad ng kasunduan upang malaman kung may kaugnayan ito sa ginawang pagnanakaw o kung ginamit lamang itong proteksyon para maipasok ang sasakyan sa Rehiyon Dos.
Patuloy ngayong inaalam ng mga awtoridad ang eksaktong modus operandi na ginagamit ng mga suspek kasunod ng pagkakabunyag sa rent-to-own agreement sa narekober na Toyota Fortuner.
Samantala, nai-turnover na sa Amulung Police Station ang mga naarestong suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016.
Mananatili ang mga sasakyan sa ilalim ng kustodiya ng Amulong Police Station bilang opisyal na ebidensya habang sinusuri ang imbestigasyon at ang isinasagawang legal proceedings.
Nanawagan din ang 205th MC RMFB2 na i-report agad sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa kinauukulan ang anumang kahina-hinalang galaw o transaksyon sa kanilang lokalidad.











