Pormal nang naibalik sa kanilang mga pamilya ang mga labi ng dalawa sa tatlong miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) na nasawi sa engkuwentro sa Licuan-Baay, Abra kamakailan.
Tinanggap na ng mga pamilya ang mga labi nina Eric Dayadante, na kilala rin sa mga alyas na “Chico” at “Abdul,” at Eugene Hilaus, na gumagamit ng mga alyas na “Aki,” “Ken,” at “Dina,” matapos makumpleto ang mga kinakailangang dokumentasyon at koordinasyon sa pagitan ng kanilang mga kaanak, Philippine National Police (PNP), Commission on Human Rights (CHR), at iba pang kaugnay na tanggapan sa Bangued, Abra.
Matapos ang isinagawang briefing at pormal na pagpayag ng kanilang mga pamilya, inilipat ang mga labi sa Saint Peter Funeral Homes sa Barangay Lipcan, Bangued. Samantala, nananatili naman sa Saint Michael Funeral Homes ang labi ni Jony Escobilla habang nagpapatuloy ang koordinasyon para sa kahilingan ng kanyang pamilya na maiuwi ang kanyang labi sa Mindanao.
Nagpasalamat naman ang 5th Infantry (STAR) Division kina Licuan-Baay Mayor Darwin Domingo, Barangay Bonglo Chairman Edgar Simangan, at sa iba pang lokal na opisyal, indibidwal at ahensyang tumulong upang matiyak ang maayos at marangal na pag-aasikaso sa mga labi ng mga nasawi. Ayon sa kanila, ipinakita ng naturang pagtutulungan ang pagpapahalaga sa dignidad ng bawat tao at malasakit sa mga naiwang pamilya sa kabila ng armadong tunggalian.
Binigyang-diin din ng 5ID na hindi natatapos sa isang engkuwentro ang kanilang tungkulin. Anila, sa kabila ng masamang panahon at mahirap na kondisyon ng lugar, sinikap ng mga sundalo na maibaba at maibalik nang maayos ang mga labi sa kanilang mga pamilya.
Tiniyak din ng 5ID na magpapatuloy ang pakikipag-ugnayan nito sa mga kaukulang ahensya upang matulungan ang pamilya ni Escobilla na maiuwi ang kanyang labi sa Mindanao nang may kaukulang paggalang at dignidad.











