--Ads--

Tinamaan ng drone ang isang oil tanker na may kargang tinatayang dalawang milyong barrels ng fuel oil mula Iraq habang nasa karagatang sakop ng naturang bansa nitong Miyerkules.

Nagkaroon ng sunog sa Panama-flagged oil tanker na New Andros matapos itong tamaan bandang alas-6 ng umaga, ayon sa dalawang Iraqi port officials.

Walang naiulat na nasawi o nasugatan sa 22 tripulante ng barko.

Nagdulot ito ng pinsala sa barko subalit hindi pa matukoy sa ngayon ang saan galing ang pag-atake.

--Ads--

Ginagamit ang New Andros bilang imbakan ng fuel oil at naka-charter sa Iraqi Oil Tankers Company.

Samantala, iniulat ng United Kingdom Maritime Trade Operations o UKMTO na ilang commercial vessel sa hilagang bahagi ng Gulf at Gulf of Oman ang tinamaan ng pag-atake habang nagpapatuloy ang operasyong militar sa rehiyon.

May isa ring barko na namataan na nakatagilid habang nakaangkla malapit sa Port Rashid sa United Arab Emirates, na posibleng pinasok ng tubig matapos tamaan ng hindi pa nakikilalang projectile.

Ang mga insidente ay bahagi ng tumitinding ganting-atake sa mga sasakyang-dagat habang nagpapatuloy ang anim na buwang digmaan sa rehiyon.