Pansamanatalang nakalaya ang dating Gobernador ng Ilocos Sur na si Chavit Singson matapos siyang maglagak ng piyansa.
Matatandaan na inaresto ng pulisya ang dating Gobernador sa kanyang tahanan sa Quezon City matapos pagsilbihan ng warrant of arrest kaugnay ng kasong cyberlibel.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-1:18 ng hapon nang arestuhin ng mga operatiba ng Police Station 12 ang 84-anyos na si Singson sa Barangay Ugong Norte.
Nag-ugat ang pag-aresto sa warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 21 sa Vigan City kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Dinala si Singson sa Police Station 12 para sa dokumentasyon at kaukulang proseso. Ayon sa pulisya, nagtakda ang hukuman ng piyansang P60,000 na agad namang naipagkaloob ng dating gobernador, dahilan upang pansamantala siyang makalaya.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Singson na isang karangalan para sa kanya ang maaresto dahil sa kasong cyberlibel. Iginiit din niya na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. umano ang nasa likod ng pagsasampa ng kaso laban sa kanya.
Inakusahan din ng dating gobernador ang administrasyon kaugnay ng umano’y mga katiwalian sa mga proyekto sa flood control, na aniya’y kinasasangkutan ng bilyun-bilyong pisong pondo ng pamahalaan.











