--Ads--

Hinatulang guilty ng International Criminal Court (ICC) ang dating lider ng Seleka militia na si Mahamat Said Abdel Kani sa ilang kaso ng crimes against humanity, kabilang ang torture o pagpapahirap sa mga bihag sa Central African Republic.

Sa desisyon ng hukuman, napatunayang sangkot si Said sa pang-uusig at pagpapahirap sa mga pinaghihinalaang tagasuporta ni dating Pangulong Francois Bozize sa kabisera ng Bangui.

Ayon kay Presiding Judge Miatta Maria Samba, pinangunahan ni Said at ng iba pang kasamahan ang pananakit at pagpapahirap sa mga naka-detain bilang bahagi ng planong targetin ang mga itinuturing na kaalyado ng dating pangulo.

Nahatulan si Said sa apat na bilang ng crimes against humanity, kabilang ang persecution at torture.

--Ads--

Gayunman, ibinasura ng mga mahistrado ang ilang war crimes charges matapos matukoy na tapos na umano ang armadong tunggalian nang maganap ang ilan sa mga krimeng iniuugnay sa kanya.

Mariin namang itinanggi ni Said ang lahat ng paratang laban sa kanya at hindi nagpakita ng anumang reaksyon habang binabasa ang hatol.

Isasagawa pa sa hiwalay na pagdinig ang pagpapasya sa kaniyang magiging sentensiya.

Ang Seleka, isang grupong rebeldeng karamihan ay Muslim, ay nag-agaw ng kapangyarihan noong 2013 at pinatalsik si Bozize sa gitna ng matagal nang digmaang sibil sa Central African Republic.

Nagbunsod naman ito ng pag-usbong ng anti-Balaka militias na karamihan ay mga Kristiyano.

Nagsimula ang imbestigasyon ng ICC sa karahasan sa bansa noong 2014, at si Said ang kauna-unahang miyembro ng Seleka na nahatulang guilty ng naturang hukuman.