--Ads--

Nag-walkout ang delegasyon ng Iran mula sa venue ng usapang pangkapayapaan kasama ang Estados Unidos matapos magbitiw ng panibagong banta si U.S. President Donald Trump laban sa Tehran.

Ayon sa state news agency ng Iran umalis ang mga kinatawan ng Iran sa gusaling pinagdarausan ng negosasyon matapos makipagpulong sa delegasyon ng Qatar, isa sa mga tagapamagitan sa usapan. Ang hakbang ay isinagawa bilang protesta sa mga pahayag ni Trump na nagsabing maaari niyang “tamaan nang napakatindi” ang Iran kung hindi nito pipigilan ang mga kaalyadong grupong militante sa Lebanon.

Layunin sana ng mga pag-uusap sa Switzerland na palawigin ang kasunduang pangkapayapaan at tugunan ang mga matagal nang isyu sa pagitan ng Washington at Tehran, kabilang ang usapin sa programang nuklear ng Iran at mga parusa ng Estados Unidos. Gayunman, lumala ang tensyon matapos ang palitan ng mga pagbabanta at ang patuloy na kaguluhan sa Lebanon.

Iniulat din na tumanggi ang mga opisyal ng Iran na sumali sa planong joint photo opportunity kasama ang mga kinatawan ng Estados Unidos, hudyat ng lumalalim na hidwaan sa gitna ng negosasyon.

--Ads--

Sa kabila ng insidente, hindi pa malinaw kung tuluyang tatalikuran ng Iran ang mga pag-uusap o kung magbabalik ito sa mesa ng negosasyon sa mga susunod na araw.