Ikinokonsidera ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang pagbibigay ng amnesty sa mga may-ari ng loose firearms na kusang magsusuko ng kanilang mga armas, basta’t mapatunayang hindi ito ginamit sa anumang krimen.
Iminungkahi ito ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa budget presentation ng ahensya sa Senate Committee on Finance nitong Huwebes.
Ayon kay Remulla, makatutulong ang amnesty upang mahikayat ang mga may hawak ng hindi rehistradong armas na isuko ang mga ito at matukoy kung may kaugnayan sa mga krimen.
Sa ilalim ng panukala, iimbestigahan muna ang mga isinukong armas upang malaman kung ginamit ang mga ito sa anumang krimen.
Muling hiniling ni Remulla sa Kongreso na repasuhin ang Republic Act No. 8294, na nagpapababa sa parusa para sa illegal possession of firearms at ginagawa itong bailable offense.
Aniya, makatutulong ang mas mahigpit na batas upang mas maraming sangkot sa illegal firearms possession ang maaresto.
Dagdag pa ng DILG chief, maaaring nagmumula ang loose firearms sa locally manufactured weapons at illegal importation.






