Suportado ng pamahalaang bayan ng Reina Mercedes ang mga panukalang hakbang upang mapanatili ang kaayusan at disiplina sa publiko, partikular kaugnay sa pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay Vice Mayor Atty. Harold Respicio, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng disiplina sa komunidad, lalo na sa mga insidenteng may kaugnayan sa paglalasing na nauuwi sa gulo at karahasan.
Ayon kay Atty. Respicio, bagamat bahagi ng kultura ang pakikipag-inuman, kinakailangan pa rin itong isagawa nang may responsibilidad at hindi dapat magdulot ng perwisyo sa iba.
Ibinahagi rin ng bise alkalde ang obserbasyon niya sa ibang bansa kung saan mas mahigpit ang disiplina at hindi karaniwan ang pag-inom sa mga pampublikong lugar.
Dahil dito, iminungkahi niya ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa laban sa pag-inom sa mga lugar na lantad sa publiko, lalo na kung nagiging sanhi ito ng kaguluhan tulad ng pananakit, paninira ng ari-arian, at panggugulo sa komunidad.
Dagdag pa niya, maaari ring isaalang-alang ang paghuli sa mga indibidwal na lasing at nagwawala sa lansangan upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Sa kasalukuyan, inirefer na ang naturang panukala sa komite ng Sangguniang Bayan at inaasahang magkakaroon ng public hearing upang marinig ang panig ng iba’t ibang sektor.
Hinimok naman ni Atty. Respicio ang mga residente at stakeholders na makiisa sa diskusyon at dumalo sa mga pagdinig upang makapagbigay ng kanilang opinyon hinggil sa panukalang ordinansa.











