--Ads--

Umabot na sa mga area ng South Low Canal ang pagpapadaloy ng tubig ng National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) bilang bahagi ng nakatakdang distribusyon ng irigasyon para sa mga sakahan sa iba’t ibang bahagi ng Isabela at karatig-lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Francisco Canlas, President ng Federation of Irrigators Association (FIAD 1) , sinimulan ng NIA-MARIIS ang pagpapakawala ng tubig nitong ikalabinlia ng Mayo sa mga area na sakop ng South Low Canal, at sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang unti-unting pag-abot nito sa mga nakatalagang irigasyong saklaw.

‎Ipinaliwanag ni Ginoong Canlas na ang paunang iskedyul ng water delivery ay hanggang Baluarte, Santiago lamang. Gayunman, inaasahang mararating na rin ng daloy ng tubig ang Naggasican makalipas ang isang linggo upang higit na mapagsilbihan ang mga magsasakang umaasa sa irigasyon.

‎Nakatakda rin umanong maipadaloy ang tubig mula Baluarte patungong Naggasican hanggang Echague simula Mayo 22, alinsunod sa isinagawang konsultasyon sa pagitan ng NIA at mga lider ng irrigators’ associations hinggil sa wastong mekanismo ng distribusyon at mga hakbang sa mitigasyon.

‎Binigyang-diin ni Ginoong Canlas ang kahalagahan ng maigting na koordinasyon at tuluy-tuloy na komunikasyon sa pagitan ng ahensya at mga magsasaka upang matiyak ang episyente at maayos na pamamahala sa suplay ng tubig-irigasyon.

‎Dahil dito, tiniyak ng ahensiya sa sektor ng agrikultura na walang dapat ikabahala ang mga magsasaka sapagkat nagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanilang hanay sa NIA upang matiyak ang sapat at napapanahong suplay ng tubig para sa mga sakahan.