--Ads--

Nakatakdang ipatawag ng Kamara si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon upang magpaliwanag sa umano’y pagkaantala sa paggamit ng mahigit P529.6 bilyong pondo para sa mga proyektong pang-imprastraktura.

Ayon kay Manila Rep. Rolando Valeriano, maghahain siya ng resolusyon na mag-uutos sa House Committee on Good Government and Public Accountability na magsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation kaugnay ng hindi pa umano nasisimulang bidding ng mga proyekto sa ilalim ng 2026 national budget.

“As such, I believe it is the legislative’s duty to investigate the delays in the procurement and implementation of infrastructure projects under the 2026 national budget,” pahayag ni Valeriano.

Sinabi ng mambabatas na isa ito sa mga napag-usapan sa konsultasyon ng National Unity Party (NUP) kasama ang mga miyembro nito, kung saan sinuportahan ang panawagan na imbestigahan ang usapin.

--Ads--

Binigyang-diin ni Valeriano na mahalaga ang paggastos ng pamahalaan sa imprastraktura upang mapanatiling masigla ang ekonomiya, lalo na sa gitna ng kinakaharap na krisis sa langis.

“Public infrastructure spending is one of the government’s most powerful tools for sustaining economic growth. When infrastructure projects move, jobs are created, supply chains expand, and economic activity spreads across communities. When they stall, the consequences ripple throughout the economy,” ani Valeriano.

Ginawa ng mambabatas ang panawagan kasunod ng ulat ng Makati Business Club na nagsasabing umabot lamang sa 4.4 porsiyento ang economic growth ng Pilipinas noong 2025, na mas mababa sa target na 5.5 hanggang 6.5 porsiyento.

Nagpahayag din ng pangamba si Valeriano na maaaring lalo pang bumagal ang paglago ng ekonomiya kung mananatiling hindi nagagamit ang pondo para sa mga proyektong pang-imprastraktura.

“When projects are not bid out on time, these billions remain idle instead of circulating through the economy,” aniya.

Aalamin din umano sa planong imbestigasyon kung may kaugnayan ang mga kontrobersya sa flood control projects sa desisyon ng DPWH kung bakit hindi pa nagagalaw ang pondo ngayong taon, o kung may kakulangan sa kakayahan ang ahensya na ipatupad ang mga nakalinyang proyekto.

Binigyang-diin pa ni Valeriano na mahalagang mapabilis ang implementasyon ng mga infrastructure program upang makalikha ng trabaho, mapalakas ang ekonomiya, at maihatid ang inaasahang kaunlaran sa mga komunidad.